Aug 21, 2008

mga lakad sa siyudad na kinaladkad ng bumukadkad na edad.

Kabilang ito sa mga ligaw na palagay, sa mga di inaasahang pagtanto na napapadaan habang naliligo ka, habang nakaupo sa trono, habang bumibisita ang katahimikan pag patapos na ang inuman pero hindi ka pa lasing, habang nasa sasakyan at trapik o minsa'y habang naglalakad ka lamang. O kadalasan kahit ano man ang ginagawa mo, at kusang dumarating na lang, na parang trangkaso.

Kadalasan na ang biruan ng, "Gurang ka na" or "Nagugurang na talaga kita." (loosely translated as "Matanda ka na") sa amin apartment, na kadalasan may koneksyon sa inuman. Nasa kalendaryo pa naman ang mga edad namin pero dahil siguro sa medyo may kutob na kami sa mga susunod o kadalasan tinutulak na kami papunta dun, kung hindi ng tadhana o kaya ng mga magulang namin mismo (o ng mga kabatch).

Sa tuwing uuwi ako sa Naga mas natatanto ko ang paglipas ng panahon at ng buhay. Nung una siguro yung mga duda na talagang lumilipas ang panahon ay puede pang palampasin, o wag na lang pansinin at di mo muna ikkwento kasi baka ikaw lang nakakaramdam nun. Pero pag nagtitipon ang barkada unti unting lumalabas na rin ang mga gantong usapan. At pag nagkikita kayo ng mga kakilala o kabatch na hindi naman talaga kayo close pero close enough para magusap, tungkol sa buhay palagi ang tanong.

"O, anong year mo na?"
"O, sain ka ma college?"
"O, anong year mo na?"
"O, sain ka nagtratrabaho?"
"O, may agum ka na?"
"O, pira na aki mo?"

Ika nga ni Enteng, mga ilang taon na nakakaraan, dati raw birthday party ang kadalasang napupuntahan, ngayon kasal at binyag na. Kaya siguro ngayon sanay na kami, o minsan sinasabina ito na ang tadhana at lasapin na lang muna ang buhay ng kasalukuyan na kumpara nung dati ang tadhana ang nilalabanan. Uunahin na muna ang hindi mabalot ng lungkot ang pamilya at sarili, na kung puedeng masaya habang nabubuhay. At minsan lalabanan naman ang tadhana.

Nang minsan sa pag uwi ko sa Naga, habang naglalakad. May nakita akong lata ng sardinas, 555, sa gitna ng kalsada. Walang laman at nakatayo. Napangiti ako ng sandaling yun, naalala ko nung naglalaro pa kami ng tumbang preso, o minsa'y "inserektos". Gutom at sugat lang aalalahanin mo nun. Nang malapit na ako dun sa lata, sinipa ko ito na parang pagpatunay sa pagunita ko sa nakaraan. Lumipad ng ilang metro at ayun tumba na siya, sabay ngiti ulit ako. Tapos may narinig ako.

"Naman si tsong! Ta Sinipa pa"

May apat na bata sa likuran kong nakatingin sa akin, yung panglima tumakbo na para kunin yung lata. Dahil dapat hanggang gunita na lamang pala ako. Di na ako kasali sa mga laro nila, at oo, tinawag na nga akong "tsong".

Pag uwi ko maglalakad ulit ako sa Naga ng kaunting panahon at maghahanap pa rin ng kwento.

No comments: